Bakit Mahirap?

Bakit nga ba kayhirap mahalin ka?

Sa bawat segundong lumilipas
Ay mukha mo ang aking naaaninag.
Sa bawat minutong nagdaraan
Ay pangalan mo ang isinisigaw.
Sa bawat oras na nagagahol
Ay ala-ala mo ang naaasam.
At sa bawat araw na lumulubog
Napapasama ang pag-asa kong naglalaho.

Bakit nga ba kayhirap mahalin ka?

Kung sa tuwing makikita ko ang larawan mo
Ay sumusukli ka sa akin ng ngiting kaytamis.
At sa tuwing naririnig ko ang boses mo,
Ay pawi ang lahat ng lungkot sa'king dibdib.
Maski sa mga panahong ala-ala lang ang baon
Ay ligaya at galak ang iyong naidudulot.
At ang bawat tibok ng puso
Ay mga bulong na tayo lamang ang nakaiintindi.

Bakit nga ba kayhirap mahalin ka?

Noong umpisa pa lamang ay ating batid na,
Ang pag-ibig natin ay pang walang hanggan.
Kahit sa mga panahon na tayo'y nagkalayo,
Pilit nating habol ay lambing sa bawat isa.
At kung sa puso mo nama'y ako ang nagmamay-ari.
At ang utak mo ay ako ang iniisip.

Bakit nga ba kayhirap mahalin ka?

Dahil ba sa alam ko'ng ito ay bawal na?
Na kahit anong pilit ko ay hindi na maaari?
Na kahit iyong asamin ay di na maipipilit?
Kahit pag-ibig natin ang s'yang 'di dapat mawaglit?
Bakit nga ba kayhirap kitang abutin,
Kahit sa akin ay walang nagbibigkis?
Bakit nga ba kayhirap kitang mahalin,
Kahit na ganito rin kadali ang ikaw ay ibigin?

Bakit nga ba kayhirap mahalin ka?

Ang pag-asang hindi ko maapuhap
Ay sa iyo ko lamang nakikita.
Ang papatuloy na sa iyo nagmumula
Ay siya ring dahilan upang ako'y tumigil na.
Ang pag-ibig na nagdulot ng sakit at pighati
Ay siya ring tanging dahilan ng aking mga ngiti.
At sa bawat hakbang na aking ilalapit
Ay tila sa bangin ako ihahatid
Ngunit akin ding ikasasawi
Kung muli pa, ako ay titigil…

Hindi na ako titigil…