♥Orientation
“Kinakabahan ako”.
Sabi ni Ethan sa sarili habang bumabyahe lulan ng isang
pampasaherong bus. Sa Makati na naman
ang tungo nya ngayon, pero hindi para pumasok, kundi para asikasuhin ang
aplikasyon nya sa isang kumpanya.
Pumasa na sa exam at interview si Ethan pero hindi pa rin niya maiwasan ang hindi kabahan. Paano naman kasi, nagpakita kaagad siya ng yabang sa bagong opisinang nais nyang pasukan. Makailang ulit din siyang napagsabihan sa pagiging pasaway nya sa kasuotan niya.
“Sir, your earrings are inappropriate in this office.”
Expected na nyang sasabihin na naman ito sa kanya, kaya bago
pa bumaba ng bus ay inalis na nya ang hikaw nya.
Mabilis ang naging hakbang nya papunta sa opisina, pero mas
mabilis pa rin ang tibok sa dibdib nya.
Hindi man nagkape, pero parang nagpa-palpitate na rin siya.
Nasa harap na siya ng HR personnel pero hindi pa rin
nawawala ang kaba niya. Pilit niyang
kinakalma ang sarili habang lumilinga –linga sa paligid. Naghahanap ng bagay kahit wala naman talaga
siyang hinahanap. “Kahit isang chicks
lang sana, pangrelax”. Pero wala pa
rin. Nag-iisa siyang nagpasa ng
requirements.
Taliwas sa inaasahan nya, mabilis lang nyang natapos ang gagawin n’ya sa pagkakataong ito. Wala pang limang minuto ay pauwi na siyang muli. “Patapos na kasi ang taon, malamang wala na talagang makukuhang bago ang mga ‘yan” sambit nyang may halong paghihinayang.
Mabilis na lumipas ang mga araw, isang tulog na lang at
mag-uumpisa na si Ethan sa trabaho. Hindi niya alam kung swerte ba siya o malas
dahil patapos na ang taon at nasa “feast mode” na ang lahat.
“Kinakabahan na naman ako”.
Sabi niya sa sarili habang lulan ng isang pampasaherong
bus. Unang araw ng pasok niya ngayon sa
bago niyang opisina. Muli, sinigurado niyang hindi na niya suot ang hikaw niya
bago siya bumaba ng bus.
Masaya siya at hindi siya late dahil walang traffic; pero
laking gulat niya ng dumating siya sapagkat andun na ang karamihan sa mga
makakasabay niya para sa orientation na gaganapin ng tatlong araw. At higit pa
dun, isang magandang binibini ang agad niyang nakita. “Malamang may boyfriend
na”, bulong nya sa sarili.
Naging masaya ang unang araw niya sa opisina. Orientation pa
lang kasi at wala pang ibang gagawin kundi ang makinig sa mga lecturer. Masaya rin ang paraan nila ng pagpapakilala –
speed dating.
Dito nakausap niya ng harapan at one-on-one si Audrey.
Dito nakausap niya ng harapan at one-on-one si Audrey.
“Hindi naman pala siya mataray.” Sa loob-loob ni Ethan.
Si Audrey ay maa-assign sa isang out-of-Manila branch.
Pansamantalang papasok sa Makati para umattend lang sa orientation. Ang first impression sa kanya ng lahat ay
mataray. Maganda siya. Mahaba ang buhok na may kulay na sunod sa uso. Matangos
ang ilong. Rosy cheeks na mapisngi. Medyo chubby pero sexy. Sabi niya, madali
daw mahuhulaan kung nasa lugar siya kapag narinig mo na ang tawa niya. The
laugh is epic ika nga niya.
Isa nga si Audrey sa masasayang tao sa batch nila ng new
employees. Kaya panay rin ang sulyap sa
kanya ni Ethan na ngingiti-ngiti lang.
“Gusto ko ‘tong babaeng ‘to. May boyfriend na kaya talaga ‘to?” kausap
nya sa sarili. Pilit na binibigyang pag-asa ang sarili. Pag-asang hindi
makatulog sa nakakainip na pagbabasa ng lecturer ng kanyang slides.
5:30 P.M. Out na
nila. Maraming nagkasabay sa elevator.
“Swerte”, sabi ni Ethan.
Nakasabay niya si Audrey, kasama ang iba pa nilang batchmates.
“May boyfriend na ba kayo?” tanong ng isa sa grupo.
“yup, three years na.” si Mary.
“Kami naman months pa lang.” si Tin naman.
Kahit naka-headset ay malakas at malinaw na malinaw ang
pagkakarinig ni Ethan sa sagot ni Audrey.
“Single ako ngayon.”
Pilit niyang kinalma ang sarili upang hindi maipahalata ang
labis na kagalakan sa narinig. “eh ano
naman kung single? Magiging girlfriend ko ba siya?” Biglang bago ng timpla ni
Ethan.
Tulog sa byahe hanggang makauwi. Facebook pagdating ng bahay. Pansamantala niyang nakalimutan si Audrey.
“Beep-beep-beep!”
“Beep-beep-beep!”
Umaga na naman. At huling araw na ng kanilang orientation.
“Hanggang ngayon hindi ko pa rin nakakausap si Audrey ah. Hindi naman siya
mataray, pero bakit ‘ba ko kabadong lapitan siya? This ain’t so me!” unang
bagay sa isipan ni Ethan ngayong araw.
Kagaya pa rin ng mga ordinaryong araw, nagmamadali na naman
sa pagpasok si Ethan. Ang nagpapabagal
sa kanya ay ang mga mumunting pagmumuni-muni niya kung paano nya lalapitan si
Audrey. “Hi Audrey! Ready ka na sa new
work natin? – sounds right, pero ano’ng susunod kong sasabihin kapag sinabi
niyang hindi pa? Hmmm.. Madali lang yan.
Kaya natin yan!. Eh pano ‘pag sinabi nyang handa na s’ya? Tameme na yata ako dun.”
Maagang dumating ang mga tao sa opisina. Kabilang na sila
dito. Huling araw na nila – halo-halong
emosyon. Masaya dahil makararating na sila sa kani-kanilang assigned areas.
Malungkot dahil iiwan na nila ang isa’t-isa na nagpasaya sa mga unang araw nila
sa kompanyang pinasukan nila. Dahil dito,
walang habas ang kanilang picture-taking.
Kaliwa’t kanan ang kanilang picturan. May mga seryosong kuha, maraming wacky. May pictures na nakaupo, nakatayo,
nakatagilid, at kung anu-anong pose pa.
Meron sa bandang gilid, sa harapan, sa likuran, sa may pintuan. Dito
nagkaroon ng pagkakataon si Ethan makatabi si Audrey.
“Ready ka na ba?” Si Ethan.
“Kanina pa nga tayo picture ng picture eh.” Si Audrey.
“Haha! Hindi. Ang ibig kong sabihin ay sa new work natin.”
“Hahaha! ‘Di mo naman kasi nililinaw.”
“Sabi ko nga eh, Malabo ako. Hahaha!”
“Hindi naman. Pero ewan ko, ayaw ko pa nga sanang matapos
itong orientation. Sana tayo-tayo na lang ang magkakasama ‘no?” Masaya nilang usapan.
“Maaga ka bang uuwi mamaya?” Maagap na tanong ni Ethan. “Daan
tayo sa Ayala Triangle Gardens , maganda ung light show dun. And if you like,
pwede tayong mag-coffee or dinner after. Masasarap yung mga kainan dun.”
“Sure! Oo ba! Basta libre mo ha? Thank you!” Ang may
pagkapilyang sagot naman ni Audrey.
“Call tayo d’yan! So, later ha?” Sagot ni Ethan habang
pabalik na ito sa pwesto niya kung saan may picturan pa ring nagaganap.
Masaya ang naging kabuuan ng huling araw ng kanilang
orientation. Excited ang lahat sa pagpasok nila sa kani-kanilang department at
branches. Excited si Ethan sa lakad nila ni Audrey. Hindi niya alam kung
tutuloy pa si Audrey sa pagsama sa kanya kasi hindi na niya ulit ito nakausap
ng buong araw.
“Bahala na!” sa isipan nya.
“Huy! Anlalim ng iniisip mo ah!” nakangiting bati ni Audrey.
“Atras ka na yata sa deal natin eh.”
“Hindi ah! Tuloy tayo. Akala ko nga ikaw na ‘yung hindi
pwede eh.”
“Hindi ‘no! Game
ako. So, tara na ba? Pwede na raw
umuwi eh.”
“Totoo? Tara na! Excited na ako!”
“Bakit ka naman excited?”
“Wala. Gusto ko lang kasama ka. Tara na.”
Ngiti na lang si Audrey.
Tila may kiliti ang huling naturan sa kanya ni Ethan. Sabagay, sa naging performance naman nila sa
orientation, isa si Ethan sa mga kahanga-hanga. Tahimik lang pero mahusay
sumagot. May lalim at kadalasan pa, ang mga sinasagot niya ay ang hindi
nasasagot ng grupo. Tahimik siya pero ‘pag
nagbiro, tawanan din naman ang lahat. Matalino siya, hindi immature, gwapo rin
naman, mukhang may pangarap, pero higit sa lahat, tunay na palangiti.
“Huy! Anlalim ng iniisip mo ah!” Si Ethan naman ngayon ang
nakangiti kay Audrey. “Ayaw mo na ba? Sayang din yun, libre yun ah!”
“Sus! Tara na nga!” at hinatak na ni Audrey sa kamay si
Ethan. Bagaman at nabigla, hindi na rin
binawi ni Ethan ang kamay at sumunod na lang agad sa kasama. Hindi rin naman nagtagal ay bumitiw si
Audrey. Hindi mawari kung nahihiya ba o
sadyang nagmamadali lang. Nakangiti sila
pareho.
Wala silang imikan sa elevator. Pero nagkakangitian.
Titingin ang isa, ngingiti; at sasagot naman ang isa ng isa pang matamis na
ngiti. “Awkward na ba?” si Ethan. Sabay tawanan ang dalawa. Kasabay nila ang
iba pa nilang colleagues pero walang nakaintindi sa tawanan nila. Basta ang
alam nila ay masaya sila sa pagkakataong ito.
Hindi nagtagal ay naghiwa-hiwalay na ang mga
magkakasama. Humiwalay na rin sa grupo si
Ethan at Audrey. Maaga-aga pa pero
marami na rin ang mga nakaabang para sa light show ng Ayala Tri. Naglakad-lakad
muna sila, nagmamasid sa paligid, nagkukulitan at naghaharutan, nagpipicture –
ng solo, ng magkasama, ng mga nakikita sa paligid, naka-wacky pose, naka-pout
pareho, nakaseryoso, nakapang 1x1 id picture, nakapangmodelong pose at marami
pang iba. Magkasabay rin nilang pinagtitripan ang mga nakikita, pinagtatawanan
at kung anu-ano pa.
Kasabay ng pagdilim ng paligid, ay ang napipintong
pag-umpisa ng light show. Excited ang lahat. Excited na rin si Audrey. Excited rin
si Ethan, pero hindi nya alam kung bakit. Ilang ulit na ba niyang napanood ang
light show na ito? Ilang taon na rin niyang napapanood ang iba’t ibang set
nito? Ilang ulit na rin ba siyang tumayo rito kasama ang tropa, o kaya’y tumayo
ng nag-iisa? Iba ngayon. “Kasama ko si
Audrey.” At sa kanyang pagmumuni-muni ay nag-umpisa na ang palabas.
Sa saliw ng mga awiting pangaroling at pamasko, umindak at
nagningning ang mga palamuting ilaw sa paligid.
Mga mumunting ilaw na nagdulot ng liwanag. Liwanag na sadyang
nakabibighani lalo pa’t ang mga ilaw na ito ay humahalik at dumadampi sa pisngi
ni Audrey. Ang mga nagkikislapang mumunting ilaw ang siyang nagpapatingkad sa
kagandahan niya. Hindi naalis ang mga mata
ni Audrey sa ganda ng light show. Patuloy
siyang humahanga rito. Napako na rin ang paningin ni Ethan sa isang napakagandang
tanawin na abot-kamay lang. Lumalalim ang paghanga niya rito.
“Do you believe in love at first sight?” Tanong ni Ethan kay
Audrey.
“Ha? Ahahaha! Ano’ng nangyari sa’yo?!?” Ang hindi mapagilang
pagbungisngis sa pagsagot ng isa.
“Ang ganda kasi eh.
Nakakain-love!”
Ngumiti si Audrey.
“Thanks, Ethan ha? I like it here. It made my day. I feel so
happy tuloy. Sana laging ganito ‘no?”
“Yeap! Sana nga laging ganito. I feel happy rin na I’m here.”
“With you.” Bulong na habol ni Ethan.
“Were you sayin’ something?”
Ngumiti lang si Ethan. Ngumiti ulit si Audrey.
Natapos na ang isang set.
Mag-uumpisa na ang kasunod.
At ang muling paglabas ng mga ilaw ay nagdulot ng anino ng
dalawang nilalang na magkatabi, -- magkalapit, -- at mistulang iisa.
“Kinakabahan ako.”
“Bakit naman?” tanong ni Audrey.
“Ewan. Ambilis ng tibok ng puso ko eh.” Kinuha ni Ethan ang isang kamay ng kausap at
nilagay nya sa dibdib nya. “Feel that?”
“Yup, pero ‘wag kang mag-alala. Ako rin naman eh. Ganyan din
ang nararamdaman ngayon. But I’m happy.” Masaya niyang sabi sabay hawak sa kamay na humahawak sa kamay niyang nasa dibdib na ni Ethan.
Patuloy ang pagsasayaw ng liwanag ng Christmas lights sa
paligid -- ang pagningning ng mga ito sa saliw ng musikang tanging ang dalawa
lamang ang nakaririnig. Musikang nagmumula sa bawat pintig na nagmumula sa
kanilang mga dibdib.
----------------------------------------------------------------------
“Kinakabahan ka pa rin?”
“Medyo na lang”
“hahahaha”
“O, bakit ka naman natatawa?”
“hahaha. Wala. Ang cute mo. Hahaha!”
“Loko. Batukan kita d’yan eh. Haha!”
“Di mo naman kaya.”
“Oo na. Dinner tayo?”
“Sure! Tara.”
“Saan mo gusto?”
“Sa puso mo! Hahaha!”
“Corny mo. Hahah! Gutom lang yan. Tara na nga!”
♥Orientation
Reviewed by flame028
on
5:29 PM
Rating:
No comments