Home Top Ad

Responsive Ads Here

Ulan sa Tag-Araw


Kabababa ko lang ng cellphone ko. Ang init kanina nung lumabas ako ng pinto. Wala kasing signal sa loob ng bahay. Choppy daw ang line ko. Wala pang limang minuto ang usapan namin, bigla namang umambon. Itutuloy mo ba 'yang ulan? Ang init kasi. Namimiss ko na 'yan.

Dito muna ako sa labas. Mamaya na ako papasok. Hihintayin ko kung lalakas pa itong ambon na ito. At kung lalakas pa ito, kukuhain ko na ang oportunidad na ito para makaligo ulit sa ulan. Ansarap nun! Ulan sa mainit na tag-araw!

Eto na nga, bumubuhos na s'ya. Malamang sandali lang ito. Lalabas na muna ako sa kalsada. Mag-iikot ulit gaya ng dati. Hindi na ako mag-aaksaya ng panahon. Kahit nasa bulsa ko pa cellphone ko, aalis na ako. Sa tantiya ko, humigit-kumulang singko minutos lang itatagal nito. Kaya ngayon pa lang iikot na ako. Timer starts now.

Kahit tanghaling tapat, napakulimlim nitong ulan na ito ang paligid. Walang nakasisilaw na liwanag ng haring araw. Kung tutuusin naman, mas gusto ko talaga ang tag-ulan kesa tag-araw. Hindi ko alam, siguro ayaw ko lang talaga sa mainit.

Nakakamiss ang tag-ulan. Naalala ko tuloy yung isang gabing umuulan at kung saan-saan ako nakarating. Enjoy yun. Enjoy rin naman ito, kaya lang tanghaling tapat kasi, marami pa akong gagawin pag-uwi. Hindi sulit. Sana maisulat ko kung anumang mga bagay ang pumasok sa utak ko. Sana makapagsulat ulit ako.

Iba na kasi ngayon. Wala na siya. Wala na siya, hindi dahil lumayo siya. Dahil kelangan ko ng lumayo. Nasaktan ko siya. Ewan ko, naging sinungaling ba ako? Hindi ko sinasadya. Siguro, pinangatawanan ko lang ang nasabi ko sa kanya dati. Magiging mabuti na akong nobyo sa susunod na magkakaroon ako ng kasintahan. Hindi niya inakalang mangyayari ito agad. Gayundin naman ako. Pero narito na. gagampanan ko na lang.

Kahit umuulan, mainit pa rin. Naghahalo ang lamig at init. Iba sa pakiramdam. Hinahanap ko ang lamig ng ulan, pero hindi ko naman mababago ang panahon, tag-araw na.  Ubod na ng init ang buong paligid. Swerte ko na lang at naranasan ko pa ang minsanang pag-ulan na ito. Hindi na dapat ako mamili pa.

Ang dami kong reklamo sa init. Anlakas kong magreklamo ngayon dahil umuulan. Tila may kakampi ako.  Hindi man maibuhos ng lubos, nariyan pa rin naman ang ulan. Nakakainis kasi itong init na ito. Parang bang mag-iinit lang ng mag-iinit kung kailan n'ya naisin. Mapa-umaga man o hatinggabi - ubod pa rin ng init. Maipilit lang n'ya ang klima n'ya. Parang hindi man lang isipin ang mga naaapektuhan niya. Lalo na ako. Nahihirapan ako sa init.

Buti na lang umulan. Kaya lang pakiramdam ko, patigil na ito. Babalik na ako ulit sa bahay. Dahil sigurado ako, minuto lang ang lilipas pagkatapos ng ulan, ay muling titirik ang napakainit na araw. Hindi naman ako nagrereklamo, bagkus, nagpapasalamat ako at umulan muli. Matagal ko ring hinintay ito. Kahit paano naginhawaan ako. Kahit medyo manlalagkit ako nito pagkatapos, sigurado iyon.

Namiss kita. Pero hindi na pwede. Dahil ibang panahon na ngayon. Sana, magtagpong muli tayo. Hihintayin ko muli ang pagbuhos ng iyong ulan. At ang bawat paghalik nito sa aking labi. Gayunpaman, alam kong ang sikat ng araw na ang patuloy na dadampi sa aking mga pisngi.
Ulan sa Tag-Araw Ulan sa Tag-Araw Reviewed by flame028 on 4:38 PM Rating: 5

No comments