Home Top Ad

Responsive Ads Here

Station of the Cross

Easter.

Resurrection.

Muling pagkabuhay.

Sa loob lamang ng iilang araw, tila napakalayo ng nilakbay ng ating pananampalataya.
Stations of the cross.

Sa iba'y pagbabalik-tanaw, sa iba'y kalokohang di na dapat gawin pa, sa iba'y pagkakataon para makisalamuha't makipagkapwa-tao.

Sa isang simbahang pinuntahan ko, meron nito. Nakapalibot lang sa bakuran ng simbahan. Kalakip ay biblical verse kung saan nabanggit ang sinasabing misteryo, at panalangin sa bawat isa nito.

1st station. Hindi ko alam kung paano ko uumpisahan ito. Gaya ng tipikal na ginagawa ng isang katoliko, nagtanda ako ng krus. Binasa ang misteryo at ang panalangin. Tapos, lumipat na ako sa sumunod.

Mahirap magconcentrate sa dami ng tao. May mga pagala-gala, may mga daldal nang daldal sa tabi mo, may magugulong bata, kayhirap sabayan ng mga nagdarasal na.

Pagpuputong ng koronang tinik at pagpasan ng Krus ni Hesu-Kristo. Tila may tumusok o kumurot sa aking dibdib. Tila nasaktan ako sa nabasa ko at nakita ko. Tinik. Tinik na itinutusok. Siguradong napakasakit nito. Pero dinanas Niya para sa atin. Karapat-dapat bang mangyari sa Kanya 'to? May choice siya bilang Diyos na huwag nang kaharapin ito, pero ginawa Niya para sa lahat ng tao.

Naging mabigat ang bawat hakbang ko sa paglakad papunta sa mga susunod pang istasyon. Unti-unti na akong naaapektuhan, nalulungkot, at nasasaktan sa pagbabalik-tanaw na ito.

Nadapa si Hesus. Bilang isang tao. NADAPA rin siya. Gusto kong sabihing, pwede Ka namang huwag ng bumangon. Pag bumangon Ka, papatayin Ka lang rin nila. Pumasok sa isipan ko, ang Diyos nga ay nadapa, at bumangon pa rin kahit t'yak na kapahamakan ang kakaharapin, bakit tayong mga tao, sa minsang pagkadapa, parang kayhirap pa ring bumangon - kayhirap magpatuloy.

Tinulungan si Hesus sa kanyang krus. Ah. Kahit ang Diyos nating nagkatawang-tao, nagpatulong rin sa Kanyang krus na tanang. Sa hirap na kanyang pinagdaraanan, kinailangan pa rin Siyang tulungan, pero bakit kailangan pa rin Niyang magpatuloy? Tiyak na kapahamakan ang Kanyang tutunguhin, nagpatulong pa rin Siyang marating ito.

Ipinako Siya sa krus. Hindi na maiwasan na ang mga luha ko'y mangilid. At sa bawat salitang binabasa ko, kung paano Siya pinahirapan, pinako at pinatay, at kung paanong Siya ay nagpatuloy na nangaral at nagpatawad, at patuloy sa paghihimala, tuluyan nang humalik ang mga luha ko sa aking pisngi. Hindi Niya dapat ginawa 'to. Hindi ba nagkaroon ng ibang paraan? Bakit Niya kailangang gawin ang gantong pagpapahirap sa sarili Niya para lang sa sangkatauhan?
Nasasaktan na rin ako. Nalulungkot ako sa paggunita ng mga ito.

Huling istasyon. Ang muling pagkabuhay. Dito. Dito ako naliwanagang muli. Dito ako nagpasalamat na muli. Masakit ang lahat. Pero salamat sa Kanya, iniligtas N'ya tayong lahat. GANOON N'YA TAYO KAMAHAL. Napakadakilang pagmamahal na kinailangang hindi lamang pag-aalay ng buhay, kundi pagsasakripisyo at pagpapakahirap pa ang kinailangan niyang ipakita sa atin. Salamat sa pagmamahal. Salamat sa dakilang pagmamahal.

Ngayon ko naisip at natanto. Ito pala ang buhay ng isang kristiyano. Ang sumunod sa turo N'ya. Ang sumunod sa yapak ni Hesus. Maging tulad niya. Ipinakita niya, ang lahat ng pagiging tao sa kanya. Nasaktan, lumuha, manangis, at madapa. Ngunit iisa lang ang patutunguhan. Ang buhay na walang hanggan.

Ganito pala talaga ang buhay ng kristiyano. Ganito pala ang pagtahak sa tamang daan. Ganito pala talaga ang pagsunod sa Kanya. Kinakailangan mong yakapin at pasanin ng buong puso ang parehong krus na niyakap rin ni Hesus. At sa bawat pagkadapa sa bigat nito'y kailangan mo pa ring tumayo at magpatuloy. Dadating ang panahong ito'y magiging mabigat, na kinakailangan rin nating magpakumbaba't magpatulong sa iba. At sa huli... ipapako rin tayo sa ating krus para mamatay. Eto pala ang buhay ng isang kristiyano, ang buhay ng isang sumusunod kay Hesus. Dahil sa pagmamahal, ang pagdurusa'y tiyak dulot ng kasalanan. At ang pagkapako, at pagkamatay, ay hindi ang huling landas.

Sa muling pagkabuhay. Sa muling pagbangon mula sa krus. Naghihintay ang kapayapaan, ang kaharian, at ang buhay na walang hanggan.
Station of the Cross Station of the Cross Reviewed by flame028 on 8:33 PM Rating: 5

No comments