Home Top Ad

Responsive Ads Here

Kulog at Kidlat

  

     Makulimlim na naman ang langit.  Bagama't hindi ko tanaw, pansin ko pa rin naman sa mga nakasaradong bintanang salamin kahit pa natatabingan ng mga maninipis na kurtina.

     Sa pagkakaupo ko sa aking kama, dama ko ang lamig ng hanging hindi dala ng tag-ulan.  Kumot, unan, baso ng tubig, at mga gamot ang aking kapiling.

     Tanaw ko pa rin ang pagdilim sa labas.

     Kung mailalakad ko lang ang aking mga paa, malamang wala ako dito sa loob ng kwarto.  Malamang wala ako dito sa loob ng bahay.





















     Hindi ako nagpapatugtog ngayon ng kahit anong musika.  Inaabangan kong marinig ang pagpatak ng ulan na ngayo'y nagsisimula nang bumuhos.  Naririnig ko ang lagaslas ng tubig sa labas.  Naririnig ko rin ang kampay ng mga sangang katabi naming puno.  Sinasabayan siguro ng malakas na hangin ang ulan.

     Nakakasabik.

     Nasasabik akong maranasan ulit ito.  Nasasabik akong makalabas at muling tumingala sa langit habang hinahagkan nito ang aking mga pisngi sa pamamagitan ng ulan.  Kaytagal ko ng hindi nadama ito.  Ang maglakad sa labas habang kapiling ang ulan.


     Gusto ko ng tumayo.


     Gusto ko ng lumakad.


     Gusto ko ng makaalis.


     Dama ko ang buhos ng ulan sa aking harapan.

     Ang lagaslas ng tubig ay mas umiingay na.

     Kumukulog na.  Kumikidlat na rin.  Tila ba anglakas rin ng silakbo ng langit.  Tila ba ninanais rin nitong maramdaman ang pagbuhos niya sa akin.  Tila ba nais n'ya rin akong lumabas at magpakita muli sa kanya.  Tila ba gusto niyang muli akong tumingin sa kanya at basain ang aking mga pisngi.  Ngunit hindi ito totoo.

     Ako lang ang naghahanap sa aking ulan.

     Kumukulog, kumikidlat sa aking dibdib.  Wala akong kalaban-laban.  Napakasakit ng aking nadarama.  Napakasakit ng aking mga nararanasan.  Wala akong lakas o kakayanan para tumayo.  Napakasakit.  Napakahina ko.  Ang pag-agos ng luha ang tanging ulan ko.


     Hindi na bumubugso ang ulan.

 
     Wala ng alimpuyo ang hangin.

 
     Sa aking paghiga ay ako'y umaasa, na muli, sa malapit na takdang-panahon, na ako'y babangon para sa kinabukasan, para salubunging muli kung darating pa ang tag-ulan.
Kulog at Kidlat Kulog at Kidlat Reviewed by flame028 on 8:19 PM Rating: 5

No comments