Sa Gitna ng Ulan
Anlamig dito sa
labas. Hindi ko alam kung anong pumasok sa utak ko at naglakad ako ng gabi at
umuulan-ulan pa. Pero masarap 'yung
lamig ng ulan. Nakakagaan sa pakiramdam. Lagi na lang kasing mainit dito sa
'pinas. Minsan nga ginugusto pa nating umulan ng yelo para lumamig.
Saan kaya ako
pwedeng pumunta. Gusto kong enjoyin ang lakad na ito. Alam ko na. Bibili muna
ako sa tindahan ng soft drinks para may mainom ako habang naglalakad.
Angsarap ng ganitong
pakiramdam. Pakiramdam ko, nakatakas ako sa lahat ng problema ng mundo.
Palakad-lakad lang, malamig, umuulan, may nagyeyelong softdrinks pa. Swabe.
Ano na kaya ginagawa
ng babaeng 'yun? Tulog na naman siguro 'yun. O baka may kausap? Nakakainis.
Mag-uusap lang sila para mag-away. Tapos, mag-uusap na naman para magbati.
Endless cycle na. Hindi ba sila nagsasawa?
Ansakit naman
maglakad dito sa kalsadang 'to. Andaming batong natibag. Hindi na kaya aayos
'to? Ansakit sa paa.
Ano na nga ba? Ano
na nga ba mangyayari sa akin nito? Parang walang patutunguhan. Parang
nakakapagod din. Parang pinaparusahan ko na lang sarili ko sa mga pinaggagawa
kong ito.
May nagtext. Ayokong
ilabas muna ang cellphone ko. Mababasa ng mga patak ng ulan. Pero sigurado ako
kung kanino galing ito. Sa tuwing
tinitext ba niya ako ay namimiss n'ya talaga ako? Hindi ko alam. Ayokong isiping panakip-butas
lang ako. Magkaaway man sila o magkabati, open pa rin naman ang communication
namin. Antagal na rin. Antagal na rin na
ganito kami. Bakit nga ba nagkakaganito kami?
Mahigit sampung taon
na nung makilala ko siya. Mabuting kaibigan kaagad ang pagkakapalagayang-loob
namin sa isa't-isa. Napakapanatag ng loob namin sa isa't-isa. Dumating pa nga
yung mga panahon na nagkaron ako ng sarili kong lovelife, at nagkaroon rin siya,
pero magkasundong magkasundo pa rin kami. Hindi kami nawala sa sistema ng bawat
isa. Nand'yan lang siya, at narito lang
ako. Magkalayo pero tila magkasama rin. Tila, hindi kami nagkakahiwalay.
Kahit lumalakas na
ulan, ayokong magmadali. Mas masarap nga eh. Sana lumakas pa ng konti. 'Yung
tipong giginawin rin ako. Mamaya na ako uuwi. Lakad pa ako papunta dun.
Kayang-kaya naman. Maliligo na lang ako pag-uwi.
Anlakas ng patak ng
ulan. Sa pagtingala ko sa langit, nakita kong mapupula ang ulap. Nagpapahiwatig
na hindi pa tapos ang pagbuhos ng ulan. Tumatama sa pisngi ko ang bawat patak
nito. Sa buong mukha ko. Masarap. Malamig. Tumutulo pababa ng pisngi. Kahit may
lumapit sa labi ko, hindi ko titikman, sigurado ako hindi masarap. Sisipsip na
lang ulit ako sa softdrinks ko.
Mahirap 'yung
ganito. Mukha na raw akong tanga. Alam naming pareho na malabo. Pero hindi
namin maisuko. At kung malalaman pa ito ng iba, naririnig ko na ang lahat ng
kutya nila. Komplikado. Hindi namin alam kung nasa tama pa ba kami, o nasa
mali. Hindi namin alam kung dapat ba itong ituloy o hindi. Gusto na naming
tigilan pero bakit nandito pa rin kami? Magulo.
Nababasa na ako.
Tumutulo na ang damit ko. Hindi ko napansin na bumuhos na pala talaga ng
malakas ang ulan. Malakas na rin ang ihip ng hangin. Masarap matulog kapag
ganito ang panahon. Pero kami, mag-uusap kami. Hindi kami matutulog. Sa kabila
ng lamig ng panahon, mainit ang aming pag-iibigan, na hindi namin maamin-amin,
sapagkat alam naming may kakaiba. Masaya kami ngayon, at pinipilit na lang
naming lasapin ang saya ng nararanasan namin ngayon. Hindi ko alam, hindi namin
alam, kung hanggang kailan ito. Alam naming dadating ang panahon na ito'y
matatapos, pero huwag muna ngayon, at ayaw din naming dumating na ito sa
nalalapit na panahon.
Uuwi na ako. Solved
na ako sa paliligo ko sa ulan. Andami na namang pumasok sa utak ko. Kung
anu-anong ideya. Dapat maisulat ko na ito habang humihigop ng mainit na sabaw
ng noodles at kape.
Sa Gitna ng Ulan
Reviewed by flame028
on
11:53 PM
Rating:
No comments