..skuL days.. (Chapter 2)
Tit-tit-tit-tit! Tit-tit-tit-tit! Tit-tit-tit-tit! 5:30 am.
“Hahah! Sigurado, hindi ako late ngayon!” paggising ko ng umaga. Ikalawang araw na ng klase. Iba-iba na pala ang schedule ‘pag hayskul, pero yung pasok, maaga pa rin.
“Ang aga mo namang gumising.” Si mama. “Hindi pa ako nakakapagluto ng almusal mo.” “Maliligo na lang muna ako tyaka ako kakain. Ayokong ma-late uli mamaya.” Sagot ko na medyo nagmamadali pa rin.
Alas-sais y medya pa Lamang, nakaaLis na ako sa bahay namin nung araw na iyon. Wala pang seven, nasa iskul na ako. Medyo madilim pa nga. Tuloy sa aking pagmamadali, naiwanan ko ang aking lunchbox. Yes!
May halong kaba ang aking pakiramdam habang nagmumuni-muni sa paglalakad sa campus. Iniisip ko, baka may biglang humablot sa aking frat member tapos gulpihin ako kasi parte ng initiation nila. Malapit lang daw kasi dito ang Ilog Pasig. Baka pag napatay nila ako, dun na lang ako itapon. O kung hindi man, may mangikil sa aking seniors, ubusin itong bente pesos kong baon. Wala akong kakainin pag nagkataon. Mapapajogging-jogging din ako pag-uwi. Eh ano kaya kung hindi tao ang maabutan ko sa building. Paano kaya kung may horror stories din na bumabalot sa lugar na yun? Mas lalo akong kinabahan. Naalala ko nung elementary ako, takot din ako mauna sa classroom kasi may usap-usapang may gumagala daw doon na white lady. May multo kaya sa classroom namin? O kaya sa iba pang building? O baka dito pa lang sa dinadaanan ko, meron na? Nasa lagoon pa lang ako, andami ko ng naisip. Grabe, ang layo talaga ng highschool building.
Tuwang-tuwa ako ng makita kong may mangilan-ngilang estudyante na rin sa paligid. Pero ang classroom ko, nasa dulo pa. Kinabahan uli ako. Sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, naupo muna ako sa batuhan malapit sa flagpole, hindi ako tumuloy sa classroom ko.
Sa iilang segundong lumipas, nainip na agad ako. “Bakit kasi ang aga ko?!” yamot ko sa aking sarili. “Wala pa rin akong classmates na dumadating…”
Nang walang anu-ano’y “klasmeyt! Bakit andyan ka pa? Bukas na classroom natin.” Kung hindi ako nagkakamali, siya ang seatmate ko. Yari. Bakit siya pa ang nakakita sa akin dito? Kailangan mag-isip agad. “Akala ko yung room natin yung sarado pa ang pinto, kaya hindi muna ako tumuloy. Marami na bang tao sa loob?” sagot ko. “Oo, kanina pa. Tayo lang naman ang nagru-rum dito, palusot ka pa.” thank you na lang nasabi ko. Alam kaya nya na takot ako sa multo? Bakit nya naisip na nagpapalusot lang ako? Haha! Takot din siguro siya!
“Hindi rin!!!” narinig ko sa mga grupo ng kababaihang klasmeyt ko. Naghahagikgikan pa nga sila. Ambilis naman nilang maging close. Ano kaya ang pinag-uusapan nila?
Pumasok na ako at naupo. Tahimik lang ako sa loob ng room. Nagmamasid-masid sa paligid. Dumudungaw-dungaw sa bintana. Tumatanaw-tanaw sa mga puno at iba pang classrooms. Medyo maingay na dito sa loob. Pero tahimik pa rin ako. Namana ko yata pagiging shy-type ng pusa namin.
“Krriiiiinnngggg!!!!!”
Nagring na ang bell. Wow. Namangha ako ng bahagya. Akala ko sa mga anime lang nangyayari ang bell sa iskul. Meron din pala dito. Sa pinanggalingan ko kasing iskul, wala.
Mabilis ang naging takbo ng oras ngayon. Walang pre-test. Diretso na agad sa lecture. Nagulat pa ako ng i-dictate ng teacher ang title at author ng textbook. Iba na yata talaga sa hayskul. Pero may mas gumulat pa sa akin. Yung isa kong teacher. Grabe. As in grabe. Ang lutong magmura! Ganun ba talaga sa hayskul? Ilang ulit ko ring narinig ang kataga nyang “THAT’S STUPID!!!” (sadyang binago upang hindi ma-MTRCB o kung gusto nyo, magsasawa kayo sa pagbabasa ng asterisk).
Pagkalipas ng tatlong subjects, hindi na malaman ng klase ang gagawin. Oras na kasi ng breaktime namin nun. At the same time, wala ng klase pang susunod. “Uwian na ba?” tanong ko sa mga kaklase ko. Pare-parehong “Hindi ko alam” ang kanilang isinagot. “Yehey! Uwian na!” tuwang-tuwa kong sabi. “Ang aga-aga pa, nagmamadali ka ng umuwi?” sabad ni Nicka. Nakilala ko siya agad kasi ang husay nya sa klase. Second day pa lang, impresibo na agad ang kanyang ipinapakita. Pero hindi siya mukhang nerd. Maganda siya masyado para maging nerd, kwela pa. “Tara, sabay na tayo!” yaya ko agad. “Tanungin ko muna si sir kung pwede na tayong umuwi.” Ang may karesponsablehan niyang sagot. Babae kasi, napagtanto ko. Gayunpaman, bukod sa seatmate ko, isa siya sa mga pumukaw ng atensyon ko. Marahil, isa sa mga dahilan kung bakit magugustuhan ko ang hayskul.
---
..skuL days.. (Chapter 2)
Reviewed by flame028
on
3:03 AM
Rating:
No comments