Sa Gitna ng Ulan


     Anlamig dito sa labas. Hindi ko alam kung anong pumasok sa utak ko at naglakad ako ng gabi at umuulan-ulan pa.  Pero masarap 'yung lamig ng ulan. Nakakagaan sa pakiramdam. Lagi na lang kasing mainit dito sa 'pinas. Minsan nga ginugusto pa nating umulan ng yelo para lumamig.

     Saan kaya ako pwedeng pumunta. Gusto kong enjoyin ang lakad na ito. Alam ko na. Bibili muna ako sa tindahan ng soft drinks para may mainom ako habang naglalakad.

     Angsarap ng ganitong pakiramdam. Pakiramdam ko, nakatakas ako sa lahat ng problema ng mundo. Palakad-lakad lang, malamig, umuulan, may nagyeyelong softdrinks pa. Swabe.

    Ano na kaya ginagawa ng babaeng 'yun? Tulog na naman siguro 'yun. O baka may kausap? Nakakainis. Mag-uusap lang sila para mag-away. Tapos, mag-uusap na naman para magbati. Endless cycle na. Hindi ba sila nagsasawa?

     Ansakit naman maglakad dito sa kalsadang 'to. Andaming batong natibag. Hindi na kaya aayos 'to? Ansakit sa paa.

     Ano na nga ba? Ano na nga ba mangyayari sa akin nito? Parang walang patutunguhan. Parang nakakapagod din. Parang pinaparusahan ko na lang sarili ko sa mga pinaggagawa kong ito.

      May nagtext. Ayokong ilabas muna ang cellphone ko. Mababasa ng mga patak ng ulan. Pero sigurado ako kung kanino galing ito.  Sa tuwing tinitext ba niya ako ay namimiss n'ya talaga ako?  Hindi ko alam. Ayokong isiping panakip-butas lang ako. Magkaaway man sila o magkabati, open pa rin naman ang communication namin.  Antagal na rin. Antagal na rin na ganito kami. Bakit nga ba nagkakaganito kami?

      Mahigit sampung taon na nung makilala ko siya. Mabuting kaibigan kaagad ang pagkakapalagayang-loob namin sa isa't-isa. Napakapanatag ng loob namin sa isa't-isa. Dumating pa nga yung mga panahon na nagkaron ako ng sarili kong lovelife, at nagkaroon rin siya, pero magkasundong magkasundo pa rin kami. Hindi kami nawala sa sistema ng bawat isa.  Nand'yan lang siya, at narito lang ako. Magkalayo pero tila magkasama rin. Tila, hindi kami nagkakahiwalay.

     Kahit lumalakas na ulan, ayokong magmadali. Mas masarap nga eh. Sana lumakas pa ng konti. 'Yung tipong giginawin rin ako. Mamaya na ako uuwi. Lakad pa ako papunta dun. Kayang-kaya naman. Maliligo na lang ako pag-uwi.

     Anlakas ng patak ng ulan. Sa pagtingala ko sa langit, nakita kong mapupula ang ulap. Nagpapahiwatig na hindi pa tapos ang pagbuhos ng ulan. Tumatama sa pisngi ko ang bawat patak nito. Sa buong mukha ko. Masarap. Malamig. Tumutulo pababa ng pisngi. Kahit may lumapit sa labi ko, hindi ko titikman, sigurado ako hindi masarap. Sisipsip na lang ulit ako sa softdrinks ko.

     Mahirap 'yung ganito. Mukha na raw akong tanga. Alam naming pareho na malabo. Pero hindi namin maisuko. At kung malalaman pa ito ng iba, naririnig ko na ang lahat ng kutya nila. Komplikado. Hindi namin alam kung nasa tama pa ba kami, o nasa mali. Hindi namin alam kung dapat ba itong ituloy o hindi. Gusto na naming tigilan pero bakit nandito pa rin kami? Magulo.

     Nababasa na ako. Tumutulo na ang damit ko. Hindi ko napansin na bumuhos na pala talaga ng malakas ang ulan. Malakas na rin ang ihip ng hangin. Masarap matulog kapag ganito ang panahon. Pero kami, mag-uusap kami. Hindi kami matutulog. Sa kabila ng lamig ng panahon, mainit ang aming pag-iibigan, na hindi namin maamin-amin, sapagkat alam naming may kakaiba. Masaya kami ngayon, at pinipilit na lang naming lasapin ang saya ng nararanasan namin ngayon. Hindi ko alam, hindi namin alam, kung hanggang kailan ito. Alam naming dadating ang panahon na ito'y matatapos, pero huwag muna ngayon, at ayaw din naming dumating na ito sa nalalapit na panahon.

     Uuwi na ako. Solved na ako sa paliligo ko sa ulan. Andami na namang pumasok sa utak ko. Kung anu-anong ideya. Dapat maisulat ko na ito habang humihigop ng mainit na sabaw ng noodles at kape.